Nakakatuwang isipin na sa hinahaba ng pagsasama namin ni
Nimmy, hindi pa rin nagbabago ang uri ng aming pag-uusap. Kung sa text man ito
o kung magkaharap man kami, aakalain siguro ng sinuman na kami ay may sapak sa
utak. Kasi madalas para kaming mga bata o mga sintu-sinto na akala mo’y
hinihila ang mga pisngi o kaya’y nilalamutak ang mukha, para lang maging
charming o cute.
“I love you mahaaal…”
“Eeeee… Mahal na mahal kita asawa ko…”
Kababawan man ito sa ilang intelektuwal na nilalang, hindi
ko sukat isipin na mabubuhay ako kung wala ito bilang parte ng buhay ko. Kumpleto ang buhay ko dahil mayroon isang taong sumasakay sa aking kababawan. Na kahit
ano man ang marating ko sa buhay, hindi ako mahihiya na marinig niya ako
maghilik habang natutulog, na marami akong pekas sa balat, na minsan kailangan naming
mag-usap kahit bagong gising kami at alam niyo naman ang halimuyak ng iyong
bibig kapag kakagising mo lang sa umaga. Hindi ako nag-aalinlangan kapag
mayroon akong kailangang sabihin sa kanya, tapat ko itong nasasabi, kahit ang
gusto ko lang naman sabihin ay mga kung ano-anong walang kwenta.
Minsan nakinig ako sa isang guided meditation at sa isang
diskusyon, may nagsalita tungkol sa authentic prosperity. Marami akong
natutunan at isa dun ay ang ego mo ay patuloy kang sasabihan
na may kulang sa ‘yo. At sa meditation, matututo kang kumawala sa ganitong patibong. Masayang nabuksan ang aking isipan na tila ba ako’y
nagising sa katotohanan. Ako ay nabiyayaan ng napakagandang bagay sa buhay ko.
Habang ang ilan ay nagkukumahog maghanap ng kasintahan, at yung iba ay bagot na sa
kakahintay, yung iba naman ay busy sa pagkakayod at paghahanap buhay, at ang
ilan naman ay mayroong mga kumplikadong suliranin na tinatahak sa buhay nila,
ako nama’y masaya na sa mga pagkakataong dumaraan, lalo na ang pagkakataon ng
magmahal ng isang tao na alam kong binigay ng Panginoon.
Sa iyo mahal, maligayang ika- 67th monthsary
natin.
Asahan mo na patuloy akong susuporta sa mga pangarap mo, at
patuloy akong magiging tapat at mapagmahal mong kabiyak. Ipinagdarasal ko ang mas magandang
kinabukasan para sa atin.
Mahal na mahal kita.