Sunday, December 11, 2011

67th Monthsary!



Nakakatuwang isipin na sa hinahaba ng pagsasama namin ni Nimmy, hindi pa rin nagbabago ang uri ng aming pag-uusap. Kung sa text man ito o kung magkaharap man kami, aakalain siguro ng sinuman na kami ay may sapak sa utak. Kasi madalas para kaming mga bata o mga sintu-sinto na akala mo’y hinihila ang mga pisngi o kaya’y nilalamutak ang mukha, para lang maging charming o cute.

“I love you mahaaal…”

“Eeeee… Mahal na mahal kita asawa ko…”

Kababawan man ito sa ilang intelektuwal na nilalang, hindi ko sukat isipin na mabubuhay ako kung wala ito bilang parte ng buhay ko. Kumpleto ang buhay ko dahil mayroon isang taong sumasakay sa aking kababawan. Na kahit ano man ang marating ko sa buhay, hindi ako mahihiya na marinig niya ako maghilik habang natutulog, na marami akong pekas sa balat, na minsan kailangan naming mag-usap kahit bagong gising kami at alam niyo naman ang halimuyak ng iyong bibig kapag kakagising mo lang sa umaga. Hindi ako nag-aalinlangan kapag mayroon akong kailangang sabihin sa kanya, tapat ko itong nasasabi, kahit ang gusto ko lang naman sabihin ay mga kung ano-anong walang kwenta.

Minsan nakinig ako sa isang guided meditation at sa isang diskusyon, may nagsalita tungkol sa authentic prosperity. Marami akong natutunan at isa dun ay ang ego mo ay patuloy kang sasabihan na may kulang sa ‘yo. At sa meditation, matututo kang kumawala sa ganitong patibong. Masayang nabuksan ang aking isipan na tila ba ako’y nagising sa katotohanan. Ako ay nabiyayaan ng napakagandang bagay sa buhay ko. Habang ang ilan ay nagkukumahog maghanap  ng kasintahan, at yung iba ay bagot na sa kakahintay, yung iba naman ay busy sa pagkakayod at paghahanap buhay, at ang ilan naman ay mayroong mga kumplikadong suliranin na tinatahak sa buhay nila, ako nama’y masaya na sa mga pagkakataong dumaraan, lalo na ang pagkakataon ng magmahal ng isang tao na alam kong binigay ng Panginoon.

Sa iyo mahal, maligayang ika- 67th monthsary natin.

Asahan mo na patuloy akong susuporta sa mga pangarap mo, at patuloy akong magiging tapat at mapagmahal mong kabiyak.  Ipinagdarasal ko ang mas magandang kinabukasan para sa atin.

Mahal na mahal kita.